Ang Hiwaga ng Bato
December 4, 2009 at 8:09 am | In Green is IN, NOW na!, Personal, What Matters Most | Leave a CommentSa di kalayuang planeta mula sa ating mundo ay may grupo ng aliens na naninirahan. Tinatawag nilang Planetang 51 ang lugar na kanilang tinitigilan. Maayos silang namumuhay sa bahaging iyon ng sangkalibutan kaakibat ang kani-kanilang pamilya at pangarap.
Maituturing na parang sila’y mga tao din lamang na nagmula sa ating daigdig. Mayroon silang mga nagbibilugang hukbong sandatahan,mga sasakyan at tahanan. At matatandaang isang oberbatoryo din ang matatagpuan sa kanilang komunidad na isang tanda rin ng kanilang pagiging sibilisado.
Sa katanuyan, maikukumpara sila sa bansang Hapon, Estados Unidos o maging sa Rusya dahil sa pagkakaroon ng mataas na uri ng teknolohiya. Ngunit, masasabi kong lamang pa rin tayo ng isang paligo sa kanila pagdating sa ating mga hitsura.
Si Lem ang pangunahing tauhan sa kwento. Halos kasing-edarin ko ata sya dahil ayon sa pagkakabanggit sa salaysay, kakatapos pa lamang niya ng kanyang pag-aaral at kasalukuyang nag-aaply ng trabaho. Simula pa lamang ay kaagad na akong natuwa sa kanya. Palpak man siyang maituturing, ang kanyang kalooban naman ay nababalutan ng kabutihan at pagpupunyagi para makatulong hindi lamang sa kanyang sarili ngunit maging sa kanyang kapwa alien. Masigasig na ginampanan ang kanyang tungkulin sa trabaho hanggang sa isang bagong nilalang sa kanilang paningin ang bumulaga at tuluyang wumasak sa maganda na sanang kapalaran.
Marahil ay napanood nyo na rin ang pelikulang ito. Ninais kong ibahagi ang kwento nito ngunit ako yata’y bigo sa aking pag-aasam na mailahad ito sa paraang tama sa pandinig at panlasa ng nakakarami. Gayunpaman, pinili ko pa rin itong isulat sa ganitong paraan na kahit paano ay pinaniniwalaan kong nakapagbigay din ng mumunting saysay at aral. Isa pa ay ang lenggwaheng aking ginamit sapagkat ang nasabing palabas ay nasusulat sa wikang banyaga.
Tunay ngang mahirap mapadpad sa ibang kamundohan. At nakakatakot din na makisalamuha sa mga bagong anyo na mapapadpad sa iyong nasasakupan, datapwat, napatunayan natin na hindi masama kung ito’y ating susubukan. Patutuluyin ng bukal sa ating mga puso at maging handa sa kung ano mang hihingin nitong kapalit.
Minsan ang buhay ay sadyang ganyan, pwedeng hindi lang tubig ang bumuhos bilang ulan ngunit ang maari ring mga bato na galing sa kalangitan na tatama sa ating ulo at gigising sa ating pananaginip upang mamulat tayo sa masakit na katotohanan.
Mahiwaga ang bawat isa sa atin. Walang nakakaalam kung ano ang mangyayari kinabukasan sa ating paggising. Kaya’t lubusin natin ang bawat araw na ibinibigay Niya sa atin.
Blog at WordPress.com. | Theme: Pool by Borja Fernandez.
Entries and comments feeds.


